Sumapit din ang huling lupi para sa taong 2015. Tumapat ito sa Mayo 24, araw ng Linggo. At mas
naging makabuluhan ito dahil sa mga nayaya kong mga kaibigang sina Ate Jovie at
Ate May Ann. Matagal na naming naiplano at tunay na pinanabikan namin ang araw na
iyon at ayun na nga, natuloy din.
Ate May Ann at Jovie |
Pagkakataon rin na makasama ang mga kaibigang sina Kuya
Glenn, Kel, Gabriel Pensotes, Gian, Kuya Patrick, JM, Istop, Erico, JM Garcia, Gabriel
Victorino at iba pa. Isa na rin itong masayang patitipon ng mga deboto ng Mahal
na Birhen ng Turumba, tulad ng bawat lupi.
Ibinahagi ng pari sa kaniyang sermon ang pagninilay niya sa
bawat lupi, at ngayon sa huling lupi, na laging tuwing Linggo ng Pentekostes at
ang “pagpapala”, tulad ng pagpapalang dulot ng Espiritu Santo. Tayo ba matapos
ng mga samu’t saring karanasan ng buhay ay nakakapansin sa biyaya at pagpapala
ng Diyos? Ang mga pinagdaanan ba ay naging balakid upang matanto na lahat ay
biyaya pa rin? Tularan natin ang Mahal na Ina, na tahimik na sumubaybay sa mga
pangyayari at dahilan sa kaniyang katatagan at pananalig ay nakamit niya ang
pagpapala ng Diyos. Kay gandang pagnilayan bilang panapos sa mga lupi. “Culmination”,
ika nila. At siyempre pagkatapos ng misa, ang prusisyong “libot-bayan” na
bagamat napaka-init ay di alintana ng mga deboto alang-alang sa kanilang
sinisintang ina.
Kami habang naghihintay sa pagbalik ng Birhen. Kuha ni Kuya Glenn. |
Pagpasok ng Birhen, namuno ang pari sa isang panalangin na sinundan ng pag-awit ng pamamaalam. At kahit ilang beses na rin nakiisa sa lupi, hindi nakakasawa ang eksenang iyon. Lalong lumalalim ang nadaramang emosyon at kitang-kita mo iyon sa mga tao. Walang kupas... lalong umaalab na pagsinta sa Mahal na Birhen ng Hapis ng Turumba.
Masaya ako para kina Ate Jovie at May Ann, dahil nag-enjoy sila nang husto at damang-dama nila ang biyayang hatid ng pakikiisa sa Huling Lupi. Mabunga... sobrang mabunga ang araw na iyon. Nakapag-bonding pa kami kasama sina Kuya Glenn. Samahan pa ng masarap at malamig na halu-halo bago bumalik ng Maynila. Iyon ay alaalang paka-iingatan ko lagi sa aking puso. Ang Bawat lupi ay isang panibagong karanasang puno ng pagpapala ng Maykapal sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria. Pistang Pagpanaog... Pistang Pagpapala!
Hanggang sa muling pagpunta sa Pakil... SA BIRHEN!!!