Sunday, August 21, 2016

"Alang-alang sa Pag-Ibig": Isang pagninilay


"Wounded by love... It is intolerable for love not to seek the object of its longing... A love that desires to see God."
(St. Peter Chrysologus, Breviary vol. I, p.236-237)

Halos mag-iisang taon na rin mula noong huli akong magpost dito sa aking blog. Maraming nangyari... mga tagumpay at kasawian, mga tuwa at lumbay... maraming biyayang mula sa Panginoon na dapat ipagpasalamat at ipag-ingatan.

Ngayong ika-21 ng Agosto, ay ipagdiriwang ng Paco, sa Parokya ni San Fernando de Dilao ang kapistahan ng Mahal na Poon ng Santo Sepulcro, ang banal na bangkay ng Panginoong Jesus.

Mamamalas natin ang larawan ng Panginoong Jesus na sugatan at walang buhay. Marahil ay iisipin ng iba, bakit kailangang ipagpista ang ganiyang larawan ng Panginoon. Sa kabila ng kamatayan ng Panginoon, ay nagtagumpay Siya para sa atin. Nagtagumpay Siya dahilan sa dakilang pag-ibig Niya sa atin sa kabila ng ating mga kasalanan. Hindi tayo nilimot ng Diyos. Hindi tayo pinabayaan ng Diyos. Hahanapin tayo ng Diyos.. at hindi Siya titigil sa pagmamahal Niya sa atin. God is so deeply in love with us! Hindi Niya ninais na manatili lamang sa langit para iligtas tayo... pumarito Siya... naging ISA sa atin. Dinanas niya lahat ng dinaranas ng isang pagkaraniwang tao. Naging katulad siya natin maliban na lamang sa kasalanan.

Hindi natapos doon ang pagmamahal Niya. Nagpakasakit siya... namatay para sa atin. Sa kabila ng mga kahinaan at pagkukulang natin sa Diyos, nariyan Siya, naghandog ng sarili para sa kaligtasan ng lahat! Bakit ba niya iyon ginawa? Hindi ba't dahil sa pag-ibig? NILIKHA NIYA TAYO DAHIL SA PAG-IBIG. PAG-IBIG MISMO ANG PAG-IRAL NATIN. 

Sinabi ng Panginoon sa Mabuting Balita ngayon na magsumikap tayong pumasok sa makipot na pinto sapagkat marami ang nagnanais makapasok ngunit hindi makapapasok.

Hindi madaling umibig. Kailangang magtiwala... kailangang magpakumbaba... kailangang isantabi ang pansariling kapakanan alang-alang sa minamahal.

Ang pag-ibig ay marunong magsakripisyo.

Wala namang mahirap na hindi kayang mapagtagumpayan ng pagsusumikap. Kapag gusto, maraming paraan, ika nga nila. Hindi madaling magmahal... masakit pero matitiis... mahirap pero kakayanin...
WALANG IMPOSIBLE SA PUSONG UMIIBIG.

WALANG IMPOSIBLE SA DIYOS. MANALIG TAYO.

Ang kamatayan ni Jesus ay isang tagumpay. Tagumpay laban sa kasalanan... tagumpay laban sa kamatayan... tagumpay tungo sa buhay na walang-hanggan.
TAGUMPAY NG PAG-IBIG.

Ngayong Linggong ito, sa kapistahan ng Mahal na Poon ng Santo Sepulcro, inilalarawan sa atin ng Panginoong Jesus kung paano magmahal, sa pamamagitan ng Kaniyang sariling halimbawa.

PAG-IBIG.




1 comment: