Iginugunita ito tuwing huling Biyernes ng Oktubre taon-taon.
Sinisimulan ito sa pamamagitan ng “traslacion” o paglilipat ng shrine image ng
Apu (isang replicang ipinaukit ng Pamilya Dayrit na nakadambana sa kapilyang
naging Pang-Arsidiyosesis na Dambana) mula sa kanyang shrine patungo sa
Pisamban Maragul, para sa limang araw na “Quinario” (sa halip na siyam na araw
ng “Novenario) sa karangalan ng limang sugat ng Panginoong JesuCristo. Sa araw
ng kapistahan ay may Misa Concelebrada sa dakong 5:30 ng hapon na susundan ng
prusisyon. Kakaiba ito ngunit tila “Biyernes Santo” sa Oktubre ang
matutunghayan ng isang dayong mananampalataya. Kasama sa prusisyon ang Mater
Dolorosa, San Juan, San Pedro, Santa Maria Magdalena, Santa Maria Salome, Santa
Maria Magdalena at ang Siete Dolores.
Maaaring may magtanong, “Bakit tuwing Oktubre? Bakit hindi
na lang tuwing Biyernes Santo?”. Ang Fiestang Apu ay nag-ugat sa isang kuwento
ng kalamidad ng malakas na pag-ulan minsan sa isang Oktubre. Ang mga
mananampalataya ng Angeles ay nagdebosyon sa limang sugat ng Panginoon sa
pamamagitan ng isang “Quinario” at matapos niyon at tumigil din ang malakas na
buhos ng ulan. Isa pang kuwento ay ang kay Roman Payumu, matapos makaligtas sa
kamay ng mga kastilang papatay sana sa kanya habang siya’y nakagapos sa may
isang pinto ng Pisamban Maragul. Isang pari diumano ang nakarinig sa kanyang
pagsusumamo kay Apu, at nakawala mula sa kanyang pagkakatali at nakatakbo at
nagtago sa malawak na tubuhan sa tabi ng simbahan.
Napakalapit rin ng pista ni Apu sa Araw ng mga Santo at Araw
ng mga Kaluluwa… isang punto ng pagninilay ni Bishop Ambo nito lamang nakaraang
Fiestang Apu, na tila ba’y inaanyayahan tayong tularan si Kristo.. mamuhay
tulad ni Kristo, mamatay tulad niya, at mamuhay nang walang hanggan sa piling
niya.
"ANG PRUSIYON" |
Mapagninilayan din ang pagkakasunod ng Tatlong Kapistahan ng
Angeles sa buwan ng Oktubre: Ang Fiestang Angel (Holy Guardian Angel) tuwing
ika-2 ng Oktubre, Fiestang La Naval tuwing ikalawang Linggo at ang Fiestang Apu
sa huling Biyernes. Sa ating pamumuhay dito sa mundo ay nariyan ang ating mga anghel
na tagatanod (guardian angels) upang gabayan at ilayo tayo sa kapahamakan,
nariyan ang Mahal na Birheng Maria na Ina rin natin upang tayo’y kalingain at
ilapit kay Jesus, at tayong lahat ay tinatawag upang tularan ang pag-ibig ni
Jesus. Isang pag-ibig na handang ialay ang sariling buhay.