Wednesday, November 2, 2016

APUNG MAMACALULU: Ang Santo Entierro ng Angeles

Ang ikatlo at huli sa mga pista sa Lungsod ng Angeles sa Pampanga tuwing Oktubre ay sa karangalan ni Apung Mamacalulu, ang “Panginoong Maawain”. Siya ang Santo Entierro ng Angeles, at nakadambana sa Pisamban Maragul o “Malaking Simbahan”, ang Parokya ng Santo Rosario.

Iginugunita ito tuwing huling Biyernes ng Oktubre taon-taon. Sinisimulan ito sa pamamagitan ng “traslacion” o paglilipat ng shrine image ng Apu (isang replicang ipinaukit ng Pamilya Dayrit na nakadambana sa kapilyang naging Pang-Arsidiyosesis na Dambana) mula sa kanyang shrine patungo sa Pisamban Maragul, para sa limang araw na “Quinario” (sa halip na siyam na araw ng “Novenario) sa karangalan ng limang sugat ng Panginoong JesuCristo. Sa araw ng kapistahan ay may Misa Concelebrada sa dakong 5:30 ng hapon na susundan ng prusisyon. Kakaiba ito ngunit tila “Biyernes Santo” sa Oktubre ang matutunghayan ng isang dayong mananampalataya. Kasama sa prusisyon ang Mater Dolorosa, San Juan, San Pedro, Santa Maria Magdalena, Santa Maria Salome, Santa Maria Magdalena at ang Siete Dolores.

Maaaring may magtanong, “Bakit tuwing Oktubre? Bakit hindi na lang tuwing Biyernes Santo?”. Ang Fiestang Apu ay nag-ugat sa isang kuwento ng kalamidad ng malakas na pag-ulan minsan sa isang Oktubre. Ang mga mananampalataya ng Angeles ay nagdebosyon sa limang sugat ng Panginoon sa pamamagitan ng isang “Quinario” at matapos niyon at tumigil din ang malakas na buhos ng ulan. Isa pang kuwento ay ang kay Roman Payumu, matapos makaligtas sa kamay ng mga kastilang papatay sana sa kanya habang siya’y nakagapos sa may isang pinto ng Pisamban Maragul. Isang pari diumano ang nakarinig sa kanyang pagsusumamo kay Apu, at nakawala mula sa kanyang pagkakatali at nakatakbo at nagtago sa malawak na tubuhan sa tabi ng simbahan.

Napakalapit rin ng pista ni Apu sa Araw ng mga Santo at Araw ng mga Kaluluwa… isang punto ng pagninilay ni Bishop Ambo nito lamang nakaraang Fiestang Apu, na tila ba’y inaanyayahan tayong tularan si Kristo.. mamuhay tulad ni Kristo, mamatay tulad niya, at mamuhay nang walang hanggan sa piling niya.

"ANG PRUSIYON"


Mapagninilayan din ang pagkakasunod ng Tatlong Kapistahan ng Angeles sa buwan ng Oktubre: Ang Fiestang Angel (Holy Guardian Angel) tuwing ika-2 ng Oktubre, Fiestang La Naval tuwing ikalawang Linggo at ang Fiestang Apu sa huling Biyernes. Sa ating pamumuhay dito sa mundo ay nariyan ang ating mga anghel na tagatanod (guardian angels) upang gabayan at ilayo tayo sa kapahamakan, nariyan ang Mahal na Birheng Maria na Ina rin natin upang tayo’y kalingain at ilapit kay Jesus, at tayong lahat ay tinatawag upang tularan ang pag-ibig ni Jesus. Isang pag-ibig na handang ialay ang sariling buhay.

No comments:

Post a Comment