Thursday, November 1, 2018

Ang Umibig Sa Isang Prinsesa: Santa Ursula ng Binangonan

"Ampunin kami, Santa Ursula"

Ngayon ay unang araw ng Nobyembre, ginugunita ngayon ng Simbahan ang lahat ng mga banal, at ngayon din ay muli akong nagkaroon ng pagkakataon na bumalik sa "blogging". Unang araw ng aking birth month. Inihahandog ko ang aking "comeback post" sa isang natatanging santang nakilala ko: si Santa Ursula ng Binangonan.

Sa bayan ng Binangonan sa Rizal, ay matatagpuan ang bukod-tanging parokya sa Pilipinas na nasa ilalim ng pagkukupkop ni Santa Ursula, birhen at martir. Itinatag ng mga frayleng Pransiskano ang kaisa-isang dambana sa kanyang ngalan na naging tunay nitong tagapagkupkop sa paglipas ng kasaysayan. Minsan nang naipanukala na palitan si Santa Ursula at gawing si San Francisco ang pintakasi ngunit hindi ito natuloy dahil sa matinding unos na inugnay ng mga mamamayan sa pagtutol ng langit na palitan si Santa Ursula. Siya pa rin ang "Prinsesa ng Binangonan".

Ang garing na imahen ni Santa Ursula

Ipinagdiriwang ang kanyang kapistahan tuwing ika-21 ng Oktubre. Sa araw na ito, matapos ang Misa Concelebrada sa umaga'y papasanin ang matandang imaheng garing ng santa sa loob ng kanyang trademark na Chinese Cabinet.



Sa pag-indayog nito ay mamamasdan ang tila sayaw at agos sa gitna ng mga hindi magkamayaw na mga deboto, lahat nag-uunahan at nakikipagsiksikan makalapit man lang at maipasan ang minamahal nilang prinsesa. Bukod sa ingay, init at siksikan ay ang basaan sa daan. Bawal ang pikon! Masayang mabasa at maramdamang kabahagi ka ng pagdiriwang ng bayan. Sa tubig, lahat ay magkaugnay. Ang tubig ay buhay. Ang tubig ay nagbibigay-buhay, tulad ng lawa na nagbibigay kabuhayan. Dadalhin si Santa Ursula sa pritil, o  "pantalan" kung saan siya ay isasakay sa bangka para sa kanyang tradisyonal na "pagdoda" sa lawa. Ang kanyang pagoda ay isang masayang pagkakatipon tipon rin ng mga debotong lulan ng kanilang mga bangka na lumiligid sa santa. Maging ang banda ay sakay rin ng isang bangka. Sa pritil naman ay masayang nanood at nag-abang ang mga deboto sa pagbabalik ng santa. Pagkatapos nito'y muli siyang papasananing pauwi sa kanyang dambana.




Nitong nakaraang Oktubre 21 ay mapalad akong nakipamiyesta sa unang pagkakataon. Namangha ako sa aking naging karanasan, at aaminin kong nabighani at napaibig rin ako sa santa kahit sa panandaliang panahon. Anong akit nga ba mayroon ang prinsesa ng Binangonan?


Si Santa Ursula: Birhen at Martir

Si Santa Ursula ay isang prinsesa mula sa kasalukuyang Great Britain at anak ng kristiyanong hari. Ipinagkaloob ng kanyang ama na ipagpaliban ang kanyang kasal sa isang paganong prinsipe nang tatlong taon. Sa loob ng panahong iyon, Si Santa Ursula, kasama ang mga birhen na ayon sa kuwento ay aabot sa labing-isang libo ay nagperegrinasyon sa Europa. Pagsapit nila sa Cologne, Alemanya (Germany) ay napasakamay sila sa mga paganong Huns. Nabighani ang pinuno ng mga Huns sa ganda ng prinsesa at ninais na pakasalan siya. Dahilan sa pagtutol ni Santa Ursula, ito ang naging sanhi upang paslangin siya at ang kanyang mga kasamahan. Nanatiling tapat si Santa Ursula sa kanyang nais na ihandog ang sarili kay Jesus kahit buhay pa niya ang kapalit.


"Prinsesa at Pintakasi ng Binangonan"
Ang Umibig sa "Prinsesa ng Binangonan"

Isang biyaya at himala ang aking encuentro sa "Prinsesa ng Binangonan".Ito'y isang hindi matatawarang karanasan na aking hindi kasasawaang ibahagi. Tunay nga, at siya ay kaakit-akit at kaibig-ibig. Ano pa't nabihag niya ang aking puso sa umagang iyon. Ang kanyang ganda ay tunay na nakakabighani, tulad nang pagkabighani ng pinuno ng mga Huns. Ako rin ay nabighani sa ganda ng prinsesa.

Santa Ursula, maraming salamat sa pagbihag sa aking puso. Ampunin mo akong lagi sa iyong pagkukupkop. Lagi mo sanang dinggin ang aking matamis na pagsuyo, tulad ng tamis ng iyong pagsuyo na  umantig sa akin. Lagi mo akong ipanalangin at ipamagitan sa Panginoon. Pangindapatin nawang matularan kitang lagi, sa iyong dalisay na paghahandog ng sarili sa Panginoon kahit buhay ay ibuwis. Ipanalangin mo pong lagi ang bayan ng Binangonan, ang aking mga kaibigan na naroon. Ako'y patuloy na babalik at babalik sa mahal mong bayan, sa pinili mong tahanan. Patuloy mo po kaming pagbuklurin sa aming pagsinta sa iyo, minamahal naming prinsesa.

Santa Ursula, ipanalangin mo po kami!

Maraming salamat, Santa Ursula!




Mas maraming pang larawan mula sa kanyang kapistahan ang makikita sa aking facebook:
https://web.facebook.com/angelo.mangahas/media_set?set=a.10214921888218963&type=3

No comments:

Post a Comment